Idinaos ngayong araw sa Pandacan, Manila ang taunang buling-buling para sa karangalan ng kapistahan ng Sto. Nino de Pandacan.
Ang buling-buling ay ang pagsama-sama ng mga iba’t ibang grupo mula sa Manila at pagsasayaw habang nagpuprusisyon sa kalsada ng Pandacan, Manila.
Sinimulan ang naturang prusisyon sa Liwasang Balagtas kung saan nagkaroon ng maikling programa. Iba’t ibang mga grupo ang dumalo sa naturang prusisyon, mayroong mula sa mga ospital, paaralan at mga grupo ng simbahan.
Ang iba sa kanila ay naging tradisyon na ang pagsali sa buling-buling kaya naman pinaghahandaan nila ito pagdating sa kanilang mga kasuotan at mga sayaw. Ito rin ay paraaan nila upang magsama-sama.
Para sa kanila, nagsisilbi na itong tradisyon at debosyon sa Sto. Nino. Sa kanilang bawat indak, iba-iba man ang kanilang mga kahilingan, iisa ang kanilang adhikain, ginagawa nila ito para kay Sto. Nino.
Kaugnay pa nito, patuloy pa rin ang pagpapaalala ni Police Brigider General Thomas Ibay sa mga dadalo pa sa kapistahan na siguraduhing nasa kondisyon ang katawan at huwag ng magdala ng mga bagay na magiging dahilan ng pagnanakaw.
Pagtitiyak niya na maraming kapulisan ang naka-deploy sa paligid para i-assist ang mga dadalo pa sa kapistahan.