-- Advertisements --

Nakatakdang isagawa ng United States ang Pacific Partnership 2023 (PP23) na taunang pinakamalaking humanitarian assistance and disaster relief (HADR) exercise sa San Fernando, La Union simula bukas, Agosto 22 hanggang 31.

Makikibahagi rin ang units ng AFP sa naturang exercise.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang multinational HADR exercise ay magpapaibayo pa ng kahandaan at interoperability kasama ang 7 bansa sa Indo-Pacific kabilang ang Pilipinas.

Kasama sa isasagawang exercise ang medical, dental at veterinary gayundin ang engineering activities, search and rescue training sa kabundukan, kanayunan at katubigan.

Kabilang pa sa HADR activities ay ang refreshers sa basic life support, incident command system at operations center management.

Sa pagtatapos ng pagsasanay sa humanitarian assistance and disaster relief activities, magsasagawa ng earthquake-tsunami response scenario.

Sinabi naman ni AFP public affairs office chief Lieutenant Colonel Enrico Ileto na malugod na tinatanggap ng AFP ang kaalyado at partners ng bansa sa pagsasagawa ng multinational activities sa ating bansa kasabay ng pagsisimula ng panibagong oportunidad tungo sa pagkakaroon ng isang malakas, matatag at resilient na komunidad.