LEGAZPI CITY- Iminungkahi ng National Police Commission (NAPOLCOM) na magkaroon ng taunang psychological evaluation ang lahat ng mga pulis upang malaman ang estado ng pag-iisip nito.
Kasunod ito ng pamamaril ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuesca sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio sa Tarlac City na nagviral ang video sa social media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Edman Pares ang Assistant Regional Director ng NAPOLCOM Bicol, matagal na umanong iminumungkahi ng NAPOLCOM ang nasabing hakbang sa PNP subalit hindi naipapatupad dahil sa kakulangan sa budget.
Aminado ang opisyal na kulang ang neuro test na inoobliga lamang sa mga bagong pasok sa pagkapulis at sa mga nag-aapply sa mas mataas na posisyon.
Binigyang diin ni Pares na kung taun-taong maa-asses ang mental health ng mga pulis malalaman kung may kapasidad pa itong humarap sa matinding stress sa kanyang trabaho at makikita rin ang mga unang senyales kung makakagawa ito ng krimen.