Hindi na maglalaro sa muling pagbubukas ng NBA season sa Orlando, Florida si Brooklyn Nets forward Taurean Prince matapos magpositibo sa coronavirus.
Si Prince ang ikaapat na manlalaro ng Nets, sunod kina DeAndre Jordan, Spencer Dinwiddie at Wilson Chandle, ang hindi sasabak sa restart ng 2019-20 season bunsod ng COVID-19.
Sina Jordan at Dinwiddie ay kinapitan din ng deadly virus, habang ang pasya ni Chandler ay ibinase sa personal na rason.
Samantalang sina Kevin Durant at Kyrie Irving ay wala talagang planong sumabak sa restart dahil sa nagpapagaling pa ang mga ito mula sa iniindang injury.
Sinasabing ang kawalan ni Prince ay magiging sakit sa ulo ng Nets na hirap umanong bumuo ng line-up para mapangalagaan ang kanilang No. 7 seed sa Eastern Conference.
Ang 26-anyos na si Prince ay naging starter sa 61 sa 64 laro ng Brooklyn makaraang magtawid-bakod sa Nets mula Atlanta noong nakalipas na summer.
May average din ito na 12.1 points at 6.0 rebounds.