Pinalawig ng Bureau of Internal Revenue ang deadlines para sa pagsusumite, paghahain at pagbabayad ng buwis kasunod ng pananalasa ng nagdaang Super Typhoon Carina at Habagat.
Ayon sa ahensiya, ang deadline sa pagbabayad ng buwis ay pinalawig pa hanggang sa araw ng Miyerkules, Hulyo 31 sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo gaya ng Revenue District Offices sa Region 3, Region 4A at NCR.
Kabilang dito ang pagsusumite ng Quarterly List of Sales/Purchases/Importations ng isang VAT Registered Taxpayer-Non-Electronic Filing at Payment System (eFPS) Filers para sa Quarter na nagtatapos sa June 30, 2024.
Gayundin ang submission ng sinumpaang salaysay ng Manufacturer’s o Importer’s Volume of Sales ng bawat partikular na Brand ng Alcohol Products, Tobacco Products at Sweetened Beverage Products para sa Quarter na nagtatapos sa June 30, 2024.
Kabilang din ang e-filing o filing at e-payment/payment ng Quarterly Value-Added Tax Return para sa Quarter na nagtatapos sa June 30, 2024 at ang e-filing/filing at e-payment/payment ng Quarterly Percentage Tax Return para sa Quarter na nagtatapos sa June 30, 2024.
Ayon sa BIR, pinalawig pa ang deadline bilang pagkilala sa dinanas na sakuna ng mga taxpayer bilang resulta ng kawalan ng transporasyon at iba pang pangunahing serbisyo bunsod ng pananalasa ng nagdaang kalamidad.