-- Advertisements --

Umaabot na sa mahigit P7.2 billion ang halaga ng mga vape products at mga sigarilyong nakumpiska ng pamahalaan sa unang bahagi ng 2024.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., mahigit 500,000 na pakete ng sigarilyo at mahigit 170,000 na vape products ang nakumpiska na ng mga otoridad mula Enero hanggang sa kasalukuyan.

Ang mga ito ay natukoy na lumabag sa ibat ibang mga regulasyon, katulad ng naipuslit, ibinebenta nang walang kaukulang permiso, peke, atbpa.

Maliban sa enforcement at confiscation ng mga naturang produkto, nilalawakan din umano ng ahensiya ang ginagawang diyalogo sa mga kumpanyang gumagawa ng mga sigarilyo at vape products upang sumunod ang mga ito sa registration requirements at magbayad ng akmang tax sa pamahalaan.

Ayon sa BIR Commissioner, nakabantay ang pamahalaan at nakahandang magkasa ng enforcement activities para malabanan ang bentahan ng mga iligal na sigarilyo at vape products.

Sa katunayan aniya, nauna na ring naglabas ang BIR ng bagong regulasyon upang mas maayos na mamonitor ang mga gumagawa, nagbebenta, at mga importer ng vape products at mga sigarilyo.