-- Advertisements --

BAGUIO CITY– Mahaharap sa kasong rape ang 48-anyos na taxi driver matapos ang ilang beses na panggahasa umano nito sa menor de edad na anak.

Inilabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nagsimula ang pang-aabuso ng ama sa kanyang menor de edad noong Setyembre 2019 hanggang nitong Hulyo.

Napag-alaman ding halos 13 beses na ginahasa ng ama ang kanyang anak kung saan sinasamantala ng suspek ang panggahasa kapag walang kasama sa bahay ang kanyang anak.

Ayon naman sa 56-anyos na lola ng biktima, kahapon lamang sinabi ng kanyang apo ang nararanasang pang-aabuso mula sa mismong ama kaya’t agad siyang nagreport sa pulisya.

Sinabi niya na nasa ibang bansa ang ina ng biktima kaya natatakot umanong magsumbong sa mga pulis dahil na rin sa trauma.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa suspek habang nasa kostudiya ng mga pulis ang biktima.