BAGUIO CITY – Pormal nang inihain sa Baguio City Prosecutor’s Office ang patung-patong na kaso laban sa taxi driver na nasa impluwensiya ng alak na kumaladkad sa isang pulis na traffic enforcer sa Abanao Street, Baguio City na nakuhanan pa ng video.
Isinampa ang mga kasong attempted homicide, drunk driving, direct assault upon a person in authority, disobeying a person in authority at oral defamation laban kay Jone Domiguez Buclay.
Pinagpapasalamat naman ng complainant na si Pat. Julius Walang ng Traffic Enforcement Unit ng Baguio City Police Office (BCPO) na pormal nang naisampa ang mga kaukulang kaso laban kay Buclay.
Tumaas aniya ang kanyang morale pati na rin ng pulisya ng Baguio City.
Sinabi pa nito na desidido siyang hindi makipag-areglo sa taxi driver at lalaban ito hanggang sa makamit niya ang hustisya lalo pa at hindi humingi ng dispensa si Buclay.
Samantala, maghahanin din ang BCPO ng kasong administratibo laban kay Judge Roberto Mabalot na umano’y nakialam sa kaso na nagresulta sa agad na paglaya ni Buclay kahit hindi pa ito sumasailalim sa inquest proceeding.
Sinabi din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na iniimbestigahan na nila si Buclay at ang operator ng taxi unit kung saan inihahanda na rin ang civil case laban sa may-ari ng taxi na minamaneho ni Buclay.
Maaalalang titikitan na sana ni Pat. Walang si Buclay dahil sa paglabag nito sa batas trapiko noong December 31 ngunit nagpatuloy si Buclay sa pagmaneho kahit nasa harapan ng taxi ang pulis na nagresulta para sumapa ito sa hood.