-- Advertisements --

Kinansela ni Taylor Swift ang kanyang nakatakda sanang pagtatanghal sa prestihiyosong horse racing event na Melbourne Cup sa Australia.

Ito’y matapos na batikusin ng mga animal rights activists ang pagdalo ni Swift sa nasabing torneyo, dahil sa umano’y tila pag-endorso nito sa pang-aabuso sa mga hayop.

Una nang inanunsyo ng Victoria Racing Club, na siyang host ng Melbourne Cup, na babandera si Swift sa Melbourne Cup Day sa darating na November 5.

Ngunit sa isang online statement, sinabi ng club na hindi na raw tuloy ang pagdalo ni Swift dahil sa aniya’y pagpapalit ng schedule ng Asian promotional tour ng American singer-songwriter.

Ayon kay Victoria Racing Club CEO Neil Wilson, ang pagkanselang ito sa performance ni Swift ay tiyak umanong hindi makasisiya para sa lahat.

Sa kabilang dako, ayon naman sa Coalition for the Protection of Racehorses, labis daw nitong ikinatuwa ang balita.

“The pressure on Taylor Swift to cancel her performance was significant. Her fans did not want to see her supporting animal abuse,” ani campaign spokeswoman Kristin Leigh.

“Whilst the reason being used by the racing industry is a scheduling mix up, it appears to us that she has responded to those calls.”

Anim na mga kabayo na ang namatay sa kasagsagan ng torneyo mula noong 2013, kabilang na ang isa na na-euthanize nitong nakalipas na taon matapos mabali ang balikat nito.

Hindi pa kinukumpirma sa ngayon ng mga organizers ng Cup kung sino ang papalit kay Swift. (CNN/ BBC)