Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gagawin nila ang lahat na protektahan at bantayan ang teritoryo at ang exclusive economic zone ng bansa na bahagi ng kanilang mandato.
Gagamitan ng AFP ang anumang available resources na mayroon ang militar para magpatrulya sa teritoryo ng bansa kabilang na ang Benham Rise.
Ayon kay AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla na kasama sa magsasagawa ng aerial survey ang mga bagong dating na TC-90 aircraft mula Japan at ang mga FA-50 supersonic jets.
Sinabi ni Padilla na ang pagpapatrolya sa karagatan at himpapawid ay bahagi ng kanilang mandato sa saligang batas.
Malinaw aniyang nakasaad sa saligang batas na ang AFP ay protektor ng mamamayang Pilipino, protektor ng soberenya at integridad ng bansa.
Pangalawang mandato nila ay magpatrolya sa mga baybaying dagat at interes ng exclusive economic zone ng bansa.
Sa ngayon may mga barko nang nagsasalitan na nagpapatrolya sa Benham Rise.