CAUAYAN CITY – Naka-preposition na ang higit 24,000 na relief packs sa iba’t ibang mga lalawigan sa Region 2 bilang paghahanda sa bagyong Ramon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chester Trinidad, information officer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2, sinabi niya na handang-handa ang kanilang hanay sa paparating na bagyo.
Bukod sa mga nakahanda nang relief packs ay may mga natatanggap na rin silang iba pang tulong mula sa iba’t ibang tanggapan at inihahanda na nila sakaling magkulang ang naibigay na nila sa mga lalawigan.
Ayon pa kay Trinidad, nakipag-ugnayan na sila sa mga Local Government Units (LGUs) sa ikalawang rehiyon para mapaghandaan ang paparating na sama ng panahon.
Umaasa pa rin sila na magbabago ang tatahakin ng bagyo lalo na at hindi pa nakakarekober ang lalawigan ng Cagayan sa malawakang pagbaha na kanilang naranasan dahil sa epekto ng bagyong Quiel.