LEGAZPI CITY — Bagsak sa kulungan ang isang guro na itinuturong suspek sa kaso ng pangmomolestiya sa ilang estudyante.
Ito ay matapos ang isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Barangay Gabon, Polangui, Albay.
Kinilala ang guro na si Rowell TJ Dura, 33, residente sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Edgar Azotea, hepe ng Polangui Municipal Police Station, inaresto ang suspek matapos na maibaba ang arrest warrant mula sa sala ni Judge Erwin P. Ferrer ng RTC Branch 20 sa Naga City.
Nabatid na nahaharap ito sa 3-counts ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” kung saan no bail ang dalawa habang ang isang kaso ay may katapat na P200,000.
Tumanggi na rin ang hepe na idetalye pa ang kwento ng kaso habang nananatili na sa kanilang kustodiya ang akusado na nakatakdang i-turn-over sa court of origin.