LA UNION – Hanggang sa ngayon ay halos hindi pa rin makapaniwala si Cadet 1st Class Dionne Mea Apolog Umalla na siya ang topnotcher sa pagtatapos ng Philippine Military Academy (PMA) MABALASIK Class of 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Umalla, sinabi nito na hindi niya inaasahan na siya ang mangunguna sa akademya dahil ang tanging gusto lamang nito noon sa buhay ay magkaroon ng bachelor’s degree.
Ayon pa kay Umalla, hindi niya talaga pinangarap na pumasok sa military academy dahil ang nais nito ay maging isang doktor o guro gaya ng kanyang nanay, ngunit dahil sa kakapusan ng panustos sa pag-aaral ay nag-exam at nakapasok naman ito sa akademya.
Sa pagpasok nito sa PMA ay hindi siya physically and mentally prepared, ngunit habang nagpapatuloy ang training ay nasanay din ito.
“Ang ini-expect ko lang po ang talaga, grumaduweyt po. Magkaroon ng bachelor’s degree. Nahirapan po ako noong una dahil hindi ko talaga pinangarap na pumasok ng PMA. At hindi rin ko na-prepared ang pagpasok ko mentally at physically,” ani ni Umalla.
Si Umalla ay ang kauna-unahang babae umano na naninirahan sa bayan ng Alilem, Ilocos Sur ang nagtapos sa PMA at naging topnotcher pa.
Siya ay anak ng isang guro at sundalo.
Inaasahan na magiging kasapi ito ng Philippine Navy paglabas nito ng akademya.
Sa ngayon nasa limang women cadets na ang nag-top mula ng buksan sa mga kababaihan ang PMA.