Hinikayat ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Representative France Castro ang kanyang kapwa mga mambabatas sa Senado na pabilisin ang pagpasa ng Senate counterpart bills sa naaprubahang tax exemption bill para sa lahat ng mga indibidwal na nagseserbisyo para sa Local at National Elections.
Ito ay upang agad na maipatupad ang implementasyon nito sa darating na halalan ngayong taon.
Ayon kay Castro, karamihan sa mga boluntaryong nagseserbisyo sa halalan ay binubuo ng mga guro mula sa mga pampublikong paaralan.
Aniya, ang pagtatanggal ng 5% na buwis sa mga honoraria at allowance ng mga ito ay makatarungan lamang sa kabila ng mga panganib at mas mahabang oras ng serbisyo na kanilang ginugugol tuwing botohan dahil sa pandemyang kinakaharap ng bansa.
Paliwanag niya, hindi daw kasi tama ang pagpapataw nito sa mga allowance ng mg poll workers dahil ang mga allowance aniya na natatanggap ng mga ito ay pawang mga reimbursement lamang sa mga ginastos ng mga ito.
Binigyan diin din niya na ang paglalagay ng buwis sa honoraria at allowance ng mga ito ay tila sumisira sa diwa at hangarin ng Election Service Reform Act na layunin na bayaran ang naging paghihirap ng mga taong nagseserbisyo tuwing panahon ng eleksyon.
Nakasaad sa Election Service Reform Act na dinagdagan pa ang honoraria, allowances, at iba pang compensation ng mga election volunteer ngunit ng dahil aniya sa kakambal na panganib na dala nito dahil sa pandemya ay karapat-dapat ang aniya na mas taas pa ang sweldo at tanggalan ng buwis ang mga ito.
Magugunita na noong Agosto 23, 2021 naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9652 o ang Act Exempting from Taxation the Honoraria, Allowances, and Other Financial Benefits of Persons Rendering Service during Election Period, Amending for the Purpose Sec. 32 ng National Internal Revenue Code of 1997.