-- Advertisements --

Naliliitan umano si ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa ipinapangakong salary increase sa mga guro simula sa susunod na taon sa ilalim ng isinusulong na Salary Standardization Law 5.

Sa ilalim ng House Bill 5712, ang mga nasa salary grade 1 ay mabibigyan ng karagdagang P483 sa kanilang buwanang sahod sa susunod na taon, habang ang mga gurong nasa entry level pa lamang o salary grade 11 may karagdagang P1,562 kada buwan hanggang 2023.

Sinabi ni Castro na kulang ang halagang ito lalo pa at patuloy na tumataas aniya ang presyo ng mga bilihin at income tax ng dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“This is not what our teachers and other government employees have been demanding from the government,” ani Castro.

“With the rising prices of basic goods due to the TRAIN law, the scanty increase in salaries provided by the proposed new standardization law will go to the higher prices of basic goods, income taxes and increased contributions in GSIS, PhilHealth and PAG-IBIG,” dagdag pa nito.

Kulang aniya ang “barat” na pagtaas na ito kumpara sa panawagan nila na P30,000 dahil ang naging basehan aniya ng Kamara ang naging proposal naman ng Department of Budget and Management na nakabase sa market forces at private sector sa halip na living wage at inflation rates.

“Imbes na gawing basihan ng gobyerno ang maliit na sweldo ng mga guro sa pribadong sektor para sa maliit rin na dagdag umento sa sweldo ng mga pampublikong guro, dapat ipantay ng pribadong sektor ang kanilang binibigay na sahod sa kanilang mga manggagawa kumpara sa pampublikong sektor.”

Ayon kay Castro, dapat na ipaalala sa Duterte administration na responsibilidad nitong protektahan ang sahod ng mga empleyado nito kabilang na ang mga guro sa mga pampublikong paaralan.