-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinalampag ng Alliance of Concerned Teachers ang Department of Education at national government upang mapabilis ang pagbigay ng one-time rice assistance sa lahat ng public school teachers at tiyakin na maari itong makain.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Vladimer Quetua, chairman ng Alliance of Concerned Teachers, sinabi nito na nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga guro sa Nueva Ecija, Mindoro at Bacolod City.

Ang mga bigas na ibinigay sa Mindoro ang kulay yellowish at mabaho.

Maraming insekto naman ang bigas na ibinigay sa Bacolod City kung saan ibinigay na lang ang mga ito sa mga manok.

Sa Nueva Ecija naman, maitim ang bigas at napupudpod na.

Samantala, ang rice provisions para sa natirang mga rehiyon ay hindi pa rin naipamigay.

Napag-alaman na ayon sa Administrative Order No. 2, series of 2022, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng mga government employees, kabilang na ang public school teachers, ang makakatanggap ng one-time P25-per-kilo rice allowance mula sa national government.

Maliban dito, nakatanggap rin sila ng reports sa ilang rehiyon na may mga guro na pinilit na lumagda sa acknowledgment receipts na nagpapakita na natanggap na ng mga ito ang kanilang rice assistance, kahit na hindi pa rin naibigay.