Nanawagan ngayon ang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) na irekonsidera ang pasya nitong umpisahan ang school year sa Agosto 24.
Sa isang pahayag, sinabi ni Benjo Basas, chairperson ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), mas malaking krisis umano ang haharapin kung itutuloy ang pagpasok sa nasabing petsa dahil maaaring umabot hanggang Agosto ang problema ng bansa sa COVID-19.
Una nang sinabi ng DepEd na inilipat nila sa Agosto ang pagbubukas ng klase matapos ang masinsinang konsultasyon sa mga stakeholders.
Gayunman, hindi naman daw obligado ang mga estudyante na magtungo sa paaralan dahil magpapatupad daw ng iba’t ibang learning delivery modes bilang alternatibo sapisikal na mga klase.
Pero sa opinyon ni Basas, magdudulot lamang daw ng diskriminasyon ang alternatibong paraan ng pagtuturo sa malaking bilang ng mga mag-aaral na nasa liblib na mga lugar.
Matatandaang nagbigay ang DepEd ng kalayaan sa mga eskwelahan na mamili ng ipapatupad na learning delivery mode, depende sa health situation sa kanilang lugar.