-- Advertisements --

Hinimok ng isang teachers group ang pamahalaan na bumuo ng malinaw umanong plano na sisigurong ligtas ang pagbabalik ng face-to-face classes.

Ayon kay Raymond Basilio, secretary general ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), umapela sila sa gobyerno na kaagad na magpatupad ng mga hakbang na tutugon sa mga nararanasang problema ng mga estudyante, magulang, at mga guro sa ilalim ng distance learning na ipinatutupad ngayong school year.

“Dapat inihahanda na natin yung resumption ng tunay na blended learning classes na may halong face-to-face, online, at modular pero pinakadapat yung face-to-face kasi ito lang ang talagang magso-solve doon eh, yung problema sa pagkawala ng mga bata at iba pa,” wika ni Basilio.

Maliban dito, dapat din aniyang magtayo ang pamahalaan ng health facilities, pag-hire ng mga health personnel, mahigpit na pagtalima sa mga health protocols, at vaccination program para sa mga education frontliners.

Mahalaga rin daw ang pagpapasa ng supplementary budget upang maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga guro at estudyante sa distance learning, maging sa pagtiyak na mapangangalagaan ang kalusugan at mabibigyan ng benepisyo ang mga education workers.

Una rito, sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na patuloy ang kanilang kagawaran sa mga ginagawang paghahanda para sa resumption ng in-person classes.

Paglalahad ni Briones, ito raw ay nakadepende sa sitwasyon ng COVID-19 pati na rin sa magiging pasya ng Pangulong Rodrigo Duterte.