-- Advertisements --

Ibinunyag ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega na patuloy ang paghaba ng listahan ng mga pangalan na binigyan ni Vice President Sara Duterte ng kanyang confidential fund na may kabuuang halagang P612.5 milyon.

Sa patuloy na pagsuri sa pinagkagastusan ng confidential fund na ipinagkatiwala kay Duterte noong ito ay kalihim pa ng Department of Education (DepEd), sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na lumabas ang tinawag niyang “Team Amoy Asim.”

Kabilang sa mga bagong pangalang lumutang ang “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim.”

Ang mga pangalang ito ay dagdag sa lumalaking listahan ng mga kahina-hinalang pangalan na umano’y ginamit upang bigyang-katwiran ang milyun-milyong confidential fund allocations sa ilalim ng DepEd.

Ayon kay Ortega, sina Liu, Amuy, at De Asim ay walang birth, marriage, o death records sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni Ortega na ang mga pangalan ay isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (CoA).

Nauna nang ibinunyag ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na 405 sa 677 pangalan na nakalista bilang benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd sa ilalim ni Pangalawang Pangulo Duterte ay walang birth records malinaw na indikasyon na peke ang mga pangalan.

Sa kabila ng paulit-ulit na kahilingan para sa paliwanag, hindi pa nagbibigay ng malinaw na sagot ang Pangalawang Pangulo.

Nang tanungin tungkol sa mga kahina-hinalang pangalan sa isang panayam sa The Hague, iginiit ni VP Duterte na hindi niya maaaring beripikahin ang mga dokumento dahil sa pagdududa sa chain of evidence.

Itinuring ito ni Ortega bilang isa pang tangka upang iwasan ang pananagutan.

Binigyang-diin ni Ortega na ang lumalaking bilang ng mga kahina-hinalang pangalan ay nagpapakita ng tila sinadyang modus upang mag-imbento ng mga benepisyaryo at abusuhin ang pondo ng bayan.

Sa nalalapit na pagsisimula ng impeachment trial sa Senado sa Hunyo, hinimok ni Ortega si Duterte na itigil na ang mga palusot at harapin ang mga alegasyon nang direkta.