-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tiniyak ng Team Azkals na gagawin nila ang lahat upang manalo laban sa Syrian team sa kanilang paghaharap sa 2022 World Cup Qualifiers sa lungsod ng Bacolod mamayang gabi.

Ayon kay Azkals assistant coach Scott Cooper, hindi naging madali ang kanilang paghahanda para sa pagharap sa Syrian team sa Panaad Park and Stadium.

Aminado si Cooper na malakas na kalaban ang Syria at hindi magiging madali ang pagkamit ng panalo, lalo na’t mas malaki ang kanilang players kung ihahambing sa mga Pinoy.

Ngunit inamin ni Cooper na kampante ito sa makakaya ng mga Azkals players dahil mas malakas pa sa Syria ang kanilang nakalaban sa nakaraang matches.

Tinawag ni Azkals player Stephan Shrock na talented at outstanding squad ang team Syria ngunit kampante ito na makakaya nilang talunin ang kalaban.

Sa panig naman ni Syrian team coach Fadjar Ibrahim, umaasa itong maging mapayapa ang kanilang laban ng Azkals na kanyang inilarawan bilang malakas na koponan.

Ang Azkals ay miyembro ng Group A sa second round ng 2022 FIFA World Cup at 2023 AFC Asian Cup Joint-Qualifiers, kasama ang China, Guam, Maldives at Syria.

Matapos ang kanilang laban sa Bacolod, pupuntang Dededo, Guam ang Azkals upang harapin ang team ng US territory.