BAGUIO CITY – Muling namayagpag ang Team-Baguio sa katatapos na Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet 2019 na ginanap sa lalawigan ng Apayao.
Nanatiling kampeon ang Baguio City kahit nakaranas ng loose bowel movement (LBM) ang marami sa mga atleta at coaches nito.
Sa pagtatapos ng aktibidad kahapon ay nakasungkit ang Team-Baguio ng 202 golds, 111 silvers at 79 bronze medals.
Pangalawa ang host province na Apayao na nakasungkit ng 69 golds, 75 silvers at 79 bronze.
Una nang sinabi ni Art Tiongan, supervisor ng DepEd-Baguio na ibinigay ng mga atleta at coaches ng Team-Baguio ang kanilang “the best” na performance kahit nakaranas sila ng pananakit ng tiyan at pagtatae dahil sa tubig na kanilang ininom at dahil sa init ng panahon sa Apayao.
Sa pag-uwi ng mga atleta ng lunsod ay naghihintay sa kanila ang tumataginting na cash incentives mula sa lokal na pamahalaan ng Baguio City.