Excited na ang Team Germany na maglaro sa semifinals ng FIBA World Cup 2023, matapos ang panalo kagabi laban sa team Latvia.
Ayon kay Team Germany bigman/Power Forward Johannes Thiemann, gagawin nila ang lahat upang maipanalo ang susunod na laban, at tuluyang makapasok sa Finals.
Malaking bagay aniya sa buong German Team na makapasok sa Semifinals, lalo na at hindi gaanong naging maganda ang kanilang kampanya nitong nakalipas na taon sa ilalim ng Euroleague.
Ayon kay Thiemann, naghahanda na ang buong team para sa kanilang magiging laban sa Semis na tiyak na lalo pang magiging pahirapan.
Samantala, matapos ang magandang performance na ipinakita sa naging laban kontra Latvia kahapon, sinabi ng German Power Forward na magpapatuloy lang ang kahalintulad na performance sa susunod na laban.
Nagawa kasi ni Thieman na i-domina ang opensa at depensa sa pamamagitan ng kanyang perfect field goals a pitong rebounds. Ang naturang performance ay mistulang bumuhat sa koponan, mula sa pagiging matamlay ng performance ni NBA player Dennis Schroder sa kanyang 4-26 na shooting record.
Ayon kay Thieman, bagaman gusto niyang mapanatili ang kahalintulad na performance, umaasa siyang hindi na kakailanganin ito sa pagsabak sa Semis, lalo na kung magiging maayos ang opensa ng buong team.
Bukas ay makakaharap ng Team Germany ang Team USA sa ilalim ng semifinal round. Gaganapin ang laro sa pagitan ng dalawa, 8:40 ng gabi, sa Mall of Asia Arena.
Sa kasalukuyan, tanging ang Team Germany lamang ang wala pang pagkatalo simula nag-umpisa ang FIBA 2023.