-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Positibo pa rin si dating ONE Featherweight World Champion Honorio “The Rock” Banario sa kanyang nakatakdang laban sa Biyernes, February 28 sa Singapore sa kabila ng banta ng COVID-19 na nagresulta para maisara sa mga fans at media ang venue ng event.

Nakarating na ng Singapore ang veteran MMA fighter kasama si Team Lakay head coach Mark Sangiao para sa nakatakdang paghaharap nila ni Shannon Wiratchai ng Thailand sa featherweight division ng ONE: King of the Jungle.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Banario na wala silang dapat na ikabahala dahil tiwala silang may mga hakbang na ang ONE Championship para maipasigurado ang proteksiyon ng mga fighters at mga stakeholders.

Aniya, susunod sila sa mga alituntunin ng pamahalaan ng Singapore laban sa COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face mask at gloves.

Napag-alaman sa wushu stylist na pagdating nila ni coach Mark sa Singapore ay isinailalim sila sa check-up sa isang ospital doon.

Una rito, inihayag ni ONE CEO Chatri Sityodtong sa pamamagitan ng social media account nito na isasara sa mga fans at media ang event bilang pag-iingat laban sa COVID-19 kung saan mapapanood ang mga laban sa social media.

Samantala, sinabi ni Banario na 100 percent na handa na ito sa kanyang unang laban ngayong taon dahil first quarter pa lamang ng 2019 ay nagkondisyon na siya kasabay ng iba pang Team Lakay fighters.

Napag-alamang ito ang unang laban ng dating MMA champion sa kanyang pagbabalik sa featherweight division matapos lumipat sa lightweight division.