BAGUIO CITY – Magsisilbing malaking hamon kay ONE Strawweight World Champion Joshua “The Passion” Pacio ang nalalapit na laban nito.
Makakaharap ng Team Lakay Fighter ang kapwa nito Pinoy na si Rene Catalan na isang Multiple-time Wushu World Champion.
Magtatagisan ang dalawa sa main event ng ONE: Masters of Fate na gaganapin sa Pasay City sa Nobyembre 8.
Aminado si Pacio na magiging malaking hamon sa kanya ang naturang laban dahil mas maraming fighting experiences si Catalan na 40-anyos at tubo ng Iloilo City.
Gayunpaman, nakakatiyak ang Igorot fighter na magiging maganda ang laban nila ni Catalan dahil pareho silang Wushu practitioner.
Samantala, lalaban naman sa undercard si dating ONE Lighweight World Champion Eduard Folayang laban kay Mongolian Fighter Amarsanaa Tsogookhuu at dating ONE Flyweight Champion Geje Eustaquio laban kay Finnish Fighter Toni Tauru.