BAGUIO CITY – Naniniwala ang presidente ng Brave Combat Federation na malaki pa ang magagawa ni Team Lakay fighter Stephen “The Sniper” Loman para sa mundo ng Mixed Martial Arts (MMA).
Tiwalang-tiwala si Brave Combat Federation president Mohammed Shahid na madadala ni Loman sa ibang level ang MMA sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Shahid na patuloy na pinatutunayan ni Loman na isa itong dakilang kampeon.
Tinawag niya si Loman bilang “biggest combat athlete” sa Pilipinas na kapareho raw ni fighting Senator Manny Pacquiao.
Itinuturing si Loman bilang longest-reigning champion sa Team Lakay sa international stage at mayroon itong MMA record na 14-2.
Napanalunan nito ang Brave CF bantamweight title laban kay Gurdarshan Mangat sa pamamagitan ng first-round technical knockout noong 2017.
Inihayag ni Shahid na nakalulungkot isipin na iilang Pilipino lamang ang nakakakilala kay Loman.
Gayunpaman, sinabi niyang maituturing si Loman bilang bayani dahil isa itong fighter na maipagmamalaki ng Pilipinas.
Isa si Loman sa mga Filipino fighter na posibleng lalaban sa kauna-unahang event ng Brave CF sa Sochi, Russia na magaganap sa January 16, 2021.