BAGUIO CITY – Naiuwi ni Team Lakay rising star Lito Adiwang ang six-figure contract sa ONE Championship, ang kinikilalang largest global sports media property sa buong Asya matapos manalo sa main event ng ONE Warrior Series 7 na ginanap sa Singapore kagabi.
Nakuha pa ng Igorot fighter ang “Bout of the Night” makaraang talunin si Anthony Do ng Vietnam sa pamamagitan ng unanimous decision.
Una nang sinabi ni ONE Championship vice president at MMA legend Rich Franklin na aabot sa higit $100,000 o P5 million ang halaga ng kontratang pwedeng maiuwi ng deserving na fighters ng ONE Warrior Series.
Samantala, tinalo rin ni Ismael Bandiwan ng Tribal Submission si Adib Sulaiman ng Brunei sa pamamagitan ng technical knockout matapos hindi na makalaban pa si Sulaiman nang paulanan ito ni Bandiwan ng mga suntok sa third round ng laban ng mga ito.
Nanalo naman si Dave Bangguigui ng Fight Corps MMA sa paghaharap nila ni Alber Correia Da Silva ng Brazil sa pamamagitan ng submission partikular ng rear-naked choke sa second round ng kanilang laban.
Gayunman, talo ang lady fighter na si Jenelyn Olsim ng Team Tribal Torogi sa naging laban nila ni Caitlin McEwen ng Australia sa pamamagitan ng submission partikular ng armbar sa first round ng kanilang paghaharap.