Ginawaran ng pagkilala ang mga team leader ng Philippine contingent kasabay ng heroic welcome sa kanilang pagkadating sa bansa sa Villamor Air Base sa Pasay City, nitong gabi ng linggo, Abril 13 matapos ang kanilang matagumpay na misyon sa Myanmar.
Ang certificate of commendation ay iginawad sa mga nagsilbing team leader ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na bilang komendasyon sa kanilang hindi matatawarang serbisyo at dedikasyon bilang parte ng Inter-Agency Humanitarian Contingent na ipinadala sa Myanmar mula Abril 1 hanggang Abril 12 kasunod ng tumamang magnitude 7.7 na lindol noong Marso 28 na kumitil na ng kabuuang 3,649 katao.
Nagpapakita din ito ng hindi natitinag na commitment ng Pilipinas para sa compassion at solidarity sa international humanitarian cooperation.
Kabilang sa mga tumanggap ng nasabing pagkilala ang team leader mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Bureau of Fire Protection, Philippine Army, Department of Environment and Natural Resources, Office of the Civil Defense, Metropolitan Manila Development Authority, at Department of Health.
Samantala, kinilala at pinasalamatan din ni Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro ang PH contingent, na siyang naggawad ng naturang pagkikila sa grupo, at sinabing ipinamalas ng mga ito ang espiritu ng pagiging matulungin ng mga Pilipino sa kapwa at lalo na sa panahon ng pangangailangan.