-- Advertisements --

Pinabulaanan ng kampo ni Sen. Manny Pacquiao na mayroon na silang kasunduan upang sunod nitong harapin si Amir Khan sa Saudi Arabia sa Nobyembre.

Inihayag kasi ni Khan na “signed off and done” na raw ang deal kung saan maghaharap sila ni Pacquiao sa Nobyembre 8 sa Riyadh.

Kasunod na rin ito ng fourth-round stoppage ng British boxer sa Australian na si Billy Dib upang mahablot ang WBC international welterweight title.

Pero ayon sa publicist ni Pacquiao na si Fred Sternberg, wala raw pinipirmahang kontrata ang fighting senator.

“As far as I know it hasn’t been even discussed,” ani Sternberg.

Sinabi pa ni Sternberg, tanging kay WBA “super” welterweight titlist Keith Thurman lamang daw nakatuon ang pokus ngayon ng Pinoy legend.

“He’s been in training camp for the past eight weeks, four in the Philippines and four in the States, and he hasn’t met with Amir Khan during that time,” dagdag nito.

Hindi rin daw alam ni Sternberg kung saan nanggagaling ang mga pahayag ni Khan.

Maaalalang nakatakda sanang magtuos sina Pacquiao at Khan noong 2017 ngunit hindi ito natuloy.