“Slowly but surely” umano ang kabilang sa diskarte na gagawin ni Manny Pacquiao sa kanyang pagharap sa Cuban champion na si Yordenis Ugas sa darating na Linggo.
Ayon kay AB Lopez, isa sa sparring partner na biglang kinuha ng Team Pacquiao, mag-iingat umano at hindi mamadaliin ng fighting senator ang laban kontra sa mas matangkad na si Ugas.
Ang ganitong istratehiya umano ay upang makakuha ng magandang timing lalo na ang pagpapakawala ng mga angking power punch.
Si Lopez ay nagkaroon ng walong rounds ng sparring bago tumulak si Pacquiao papunta ng Las Vegas.
Nakikita raw nila na mabagal sa simula si Ugas at flat footed, maging ang pagpapakawala ng jab at wide angle ang bitaw sa body shot.
Ilan naman sa mga tagubilin daw ng Hall of Famer coach na si Freddie Roach, ay ang diskarte ni Pacquiao na gamitin ang matinding footwork upang lituhin si Ugas.
Gayundin ang style ng Pinoy ring icon na in-and-out game sa pagpapakawala ng mabibilis na suntok.
Ngayon pa lamang, kumpiyansang idineklara ng trainer na si Roach na kakain ng alikabok si Ugas dahil sa liksi ng pambansang kamao.