Mayroon na umanong mga opsyon ang kampo ni Sen. Manny Pacquiao sa kung sino ang nais nilang isunod ng Pinoy ring icon sakaling magtagumpay ito kontra kay Keith Thurman sa kanilang sagupaan sa Hulyo 21.
Ayon kay Hall of Famer Coach Freddie Roach, kabilang sa kanilang mga pinagpipilian ay sina WBO welterweight champion Terence Crawford at IBF titleholder Errol Spence.
Pero sinabi ng famed American guru, ito raw ay kung mabahag ang buntot ni Floyd Mayweather Jr. na makipagtuos pang muli kay Pacquiao.
Giit ni Roach, hindi raw nila habol ang pera bagkus ay gusto nilang patunayan na si Pacquiao ang pinakamagaling na boksingero sa mundo.
“If we get offered those tough guys coming up we’re not going to say no because we want to be the best at what we do. We’re not just in this game for money, trying to just go back in and make a dollar, we don’t need a f*cking dollar. We want to be the best fighter in the world,” wika ni Roach.
Kaugnay nito, naniniwala rin ang boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino na kung magawa ni Pacquiao na maagaw ang WBA “super” welterweight belt kay Thurman, posibleng magbigay-daan ito para sa rematch nila ni Mayweather.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Tolentino na ito naman talaga ang nais ni Pacquiao noon pa man lalo pa’t nabigo ito noon sa kamay ng retired superstar noong Mayo 2015.
Una nang sinabi ni Pacquiao na interesado rin ito na makatunggali ang magwawagi sa pinaplantsang tapatan nina Spence at Shawn Porter.
“If Pacquiao is impressive against Thurman, and let’s say he is impressive against the winner of Porter and Spence, maiipit ngayon si Mayweather,” ani Tolentino.
“Iisipin ng mga tao, itong si Pacquiao, 40-anyos pinagtatatalo ‘yung mga bata[ng boksingero]. Tapos [si Mayweather] ay nagtatago lamang sa kanyang bahay.”