Asam ng Pilipinas na makapagpadala ng 38 atleta na kakatawan sa bansa sa prestihiyosong 2020 Summer Olympics sa Tokyo, Japan.
Ayon kay Team Philippines chef de mission Mariano “Nonong” Araneta, napagkasunduan ang nasabing bilang sa ginanap na pulong kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang national sports association (NSA).
Paliwanag ni Araneta, mas malapit daw ito sa katotohanan kumpara sa orihinal na bilang na 49.
Sa naturang numero, tanging archery at triathlon lamang aniya ang hindi kasama sa listahan ng sports dahil bigo ang mga ito na magpadala ng kanilang mga representante sa unang chef de mission meeting.
Sinabi pa ng sports official na posibleng ang boxing ang magiging pinakamalaking delegasyon dahil sa malakas ang laban ng anim na Pinoy pugilists, na pangungunahan nina women’s world champion Nesthy Petecio at men’s world silver medalist Eumir Marcial, na makakuha ng slot sa papalapit nilang Olympic qualifiers sa Pebrero at Mayo.
Tiwala rin aniya sila na maging ang national 3×3 men’s basketball team ay makakasungkit din ng ticket sa Olimpiyada sakaling magwagi ito sa kanilang qualifier sa Marso.
Sa kasalukuyan, tanging sina Carlos Yulo ng gymnastics at EJ Obiena ng pole vault ang mga Pinoy na pasok na sa Tokyo Games.