Binasag ngayon ng Pinoy Olympian na si EJ Obiena ang SEA Games record sa pole vault matapos masungkit niya ang gold medal at matagumpay na madepensahan ang kanyang korona.
Si Obiena na ranked 5th sa buong mundo sa pole vault ay nagtala ng SEA Games record makaraang malampasan niya ang 5.46m sa nagpapatuloy na 31st Southeast Asian Games sa My Dinh National Stadium sa Hanoi, Vietnam.
Kinakailangan lamang ni Obiena na isang tangka para ma-clear ang dati niyang record noong 2019 sa Pilipinas.
Una na kasi niyang natalon ang 5.40m para matiyak ang gold medal matapos na malasin ang kanyang mga kalaban bunsod ng lagay ng panahon.
Sa kabila nito, pinilit pa rin ng 26-anyos na flag bearer ng Team Pilipinas na itaas sa 5.94m ang tatalunin para sana sa kanyang personal best.
Gayunman tatlong beses siyang nabigo at kung nagawa naman sana ay magtatala siya ng panibagong Asian record.
Ang kababayan naman na si Hokett delos Santos ay pumangalawa sa kanya na may 5.0m record.
Kung maalala muntik nang hindi napasama sa SEA Games si Obiena dahil sa iskandalo at away niya sa PATAFA na umabot pa ang kaso sa Kongreso hanggang sa makialam na ang Philippine Sports Commission, Malacanang at ang Philippine Olympic Committee.