KORONADAL CITY – Bumuo na ng composite team ang South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang tumugon sa mga apektadong residente bunsod ng El Nino phenomenon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management chief Mila Lorca, binuo ang rapid damage assessment and needs analysis team (RDANA) upang ma-assess ang sitwasyon ng mga apektadong residente, partikular na sa bayan ng Tampakan kung saan idinadaing ng mga residente ang limitadong suplay ng tubig.
Samantala, nakapagtala ang bayan ng Surallah ng pinsala sa kanilang agricultural sector batay sa kanilang isinumiteng report.
Ayon kay Lorca, batay sa monitoring noong buwan ng Enero, apektado ng tagtuyot ang 32 ektarya ng mais o nasa P2.2 milyon ang pinsala, habang 6.5 ektarya ng palay ang pinsala sa mga barangay ng Naci at Tubialah o nasa 17 magsasaka ang apektado.
Pagsapit naman ng buwan ng Pebrero, tumaas sa siyam mula sa limang barangay ang apektado ng dry spell.
Dahil dito, tinitingnan nila ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka sa pamamagitan ng alternative livelihood.