Tinambakan nang husto ng Team USA ang Team World 151-131 sa Rising Stars game nitong Sabado (Manila time) upang simulan ang All-Star Weekend festivities sa United Center.
Sumandal ang Team USA sa mainit na shooting sa second half upang makabangon at tuluyang biguin ang Team World.
Binalikat ni Eric Paschall ng Golden State Warriors ang Team USA matapos kumana ng 23 points, habang si RJ Barrett ng New York Knicks ang nanguna sa Team World na tumabo ng game-high na 27 points.
Makaraang hindi na lingunin ng Team USA ang kalaban sa final canto, nagbigay-daan ang mga players upang hayaan si Team USA forward Zion Williamson na magpakitang-gilas tampok ang serye ng kanyang mga dunks.
Nagtapos na may 7 of 11 ang New Orleans Pelicans rookie star para ilista ang 14 markers.
Napili naman ang player ng Team USA na si Miles Bridges ng Charlotte Hornets, na tumipon ng 20 points, limang rebounds at limang assists, bilang MVP ng laro.
Naging sandata rin ng Team USA ang kanilang mga bench players upang kumawala at tangayin ang abanse sa third quarter, kung kailan nila nahigitan ang World team 44-24.
Kumonekta ng 3-pointers si Bridges matapos ang back-to-back possession upang tapyasan ang 12-point lead noong half sa nalalabing limang minuto ng third period.
Pagkalipas ng tatlong minuto, pumukol din ng back-to-back mula sa downtown si Devonte Graham upang ipalasap sa Team USA ang kanilang unang beses na pagkalamang, 104-103, mula sa pagbubukas ng laro.
Nagpakawala naman ng tira si Luka Doncic ng Dallas Mavericks mula sa half-court sa nalalabing dalawang segundo ng second quarter upang tulungan ang Team World na itala ang 81-71 abante sa halftime. (Reuters)