Nahaharap umano sa pinakamabigat na laban mamayang gabi ang defending champion Team USA sa nagpapatuloy na second round ng FIBA Basketball World Cup sa China.
Ayon sa mga sports analyst bagamat lahat ng players ng US ay naglalaro sa NBA, tiyak aniyang magbibigay sakit ng ulo ang national team ng bansang Greece lalo na at kasama rito ang reigning NBA MVP na si Giannis Antetokounmpo.
Alam na raw kasi ni Giannis ang istilo ng laro ng US.
Maging ang 7-footer Team USA center na si Brook Lopez ay aminado na target ni Giannis na sirain ang diskarte ng mga Kano.
Sina Lopez at Giannis ay kapwa teammate sa Milwaukee Bucks.
Sinasabing kailangang ma-neutralize ng Team USA si Giannis dahil kung hindi tiyak na mapapahiya sila.
Sa unang round ng World Cup ay na-upset ang Greece ng Brazil at nahirapan pang talunin ang New Zealand, habang malinis naman ang record ng Amerika at walang talo.
Alas-8:30 mamayang gabi ang exciting na pagtutuos ng Team USA at Greece na magaganap sa Shanghai Oriental Sports Arena sa Shanghai, China.
Samantala bukas naman ng alas-8:00 ng gabi, araw ng Linggo haharapin ng Gilas Pilipinas ang dating kampeon sa Asya na Iran sa huling game ng mga Pinoy sa classification stage.