-- Advertisements --

JAPAN – Isa sa mga pinakaabangan at binabantayang laro ng boung mundo ay ang basketball sa nalalapit na Tokyo Olympics.

Malaking palaisipan ngayon kung mauulit ng USA basketball team na binubuo ng talented NBA players ang kanilang gold medal run sa mga nakalipas na summer games.

Sisimulan ng USA team na nasa Group A sa pangunguna nina Kevin Durant at Damian Lilard ang pagdepensa sa kampeonato sa kanilang laban kontra France sa July 25.

Kagaya ng Team USA, may mga NBA players din ang koponan ng France na kinabibilangan nina Rudy Gobert ng Utah Jazz, LA Clippers Nicolas Batum at Evan Fournier ng Boston Celtics.

Hindi na ito ang unang beses na nagharap sa international basketball tournament ang France at USA dahil noong 2019 World Cup of Basketball ay natalo ang mga Amerikano sa quarterfinals laban sa mga Pranses.

Sunod na makakalaban ng Team USA sa group stage ay ang Iran sa July 28 at Czech Repubic sa July 31.

Sinasabing mahigpit na karibal din ng Team USA sa gold medal game ay ang Team Australia ni Patty Mills, Slovenian team sa pangunguna ni Luka Duncic; Spain ni Ricky Rubio, Nigeria at Argentina.