Kasabay ng ika-apat na buwang pagharap ng Hong Kong sa walang tigil na kilos-protesta, inanunsyo ng ilang representante ng US Congress ang kanilang pagnanais na ipatupad ang tuluyang suspensyon sa pagbebenta ng tear gas sa Hong Kong law enforcements.
Kaugnay pa rin ito ng kaliwa’t kanang kritisismo na ibinabato ng mga raliyista sa mga otoridad hinggil sa aksyon ng mga ito upang pahupain ang pag-aalsa.
Sa oras na maipasa ang PROTECT Hong Kong Act, pagbabawalan na ang mga US companies na mag-export ng tear gas, pepper spray, rubber pellets at iba pang non-lethal technologies sa Hong Kong.
Kakailanganin din na mag-issue ng sales report ang Secretary of State sa Kongreso ng detalyadong defence articles at munition items na iniangkat ng US patungong Hong Kong sa loob ng limang taon.
Ayon sa isang mambabatas, tungkulin umano ng Kongreso na pigilan ang pag-export na ito ng gobyerno sa Hong Kong hanggang sa mapatunayan na hindi ginagamit ang mga naturang American products upang magsilbing hadlang sa kalayaan ng mga mamamayan sa lungsod.