Nakasama ang tech tycoon at itinuturing na pinakamayamang tao sa buong mundo ngayon na si Elon Musk sa naging pag-uusap nina US President-elect Donald Trump at Ukraine President Volodymyr Zelensky sa phone call isang araw matapos ang 2024 US Presidential elections.
Kinumpirma ng isang Ukrainian official na may direktang nalalaman sa pag-uusap ng 2 lider na tumawag si Zelensky kay Trump para batiin sa kaniyang pagkapanalo sa US elections at nagkataon naman na kasama noon ni Trump si Elon Musk sa Mar-a-Lago.
Inilarawan naman ng isa pang source ang naging pag-uusap nina Trump at Zelensky bilang positibo at cordial conversation.
Aniya, nilagay ni Trump ang tawag sa loud speaker at ibinigay kay Musk ang phone. Pinasalamatan naman ni Zelensky si Elon Musk para sa kaniyang pagtulong sa kanilang bansa na magkaroon ng mga komunikasyon sa pamamagitan ng access sa Starlink satellite internet platform sa gitna ng mahigit 2 taon ng giyera nito sa Russia.
Tumagal ang pag-uusap sa 7 minuto subalit walang tinalakay na mga polisiya.
Ang presensiya nga ni Musk sa naturang phone call sa pagitan nina Trump at Zelensky ay nagpapakita ng kaniyang impluwensiya sa circle ni Trump. Matatandaan na sinuportahan ni Musk ang kampaniya ni Trump sa katatapos na US elections kung saan gumugol ito ng nasa $130 million.
Masugid ding tinututukan ngayon ang interactions ng Ukraine leader at US President-elect matapos ipangako ni Trump sa kaniyang kampaniya na agad niyang wawaksan ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia sa loob ng isang araw.