Pinuri ng mga technical delegates para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games ang ginagawang paghahanda ng Pilipinas sa pag-host ng biennial meet.
Ayon kay Valson Cuddikotta, technical delegate ng athletics, kumpiyansa silang ang SEA Games ngayong taon ang magiging “best edition” ng Palaro dahil sa sapat na preparasyon ng Pilipinas sa event.
Partikular na tinukoy ni Cuddikotta ang track and field stadium sa New Clark City, Capas, Tarlac na aniya’y “world class.”
Dahil dito, puwede na aniya ang Pilipinas na maging host ng malaking torneyo sa hinaharap.
“We have never been invited for a press conference like this. PHISGOC has put a lot of effort to come up with such fantastic venues. I believe that the Philippines can now conduct any event of the highest magnitude,” ani Cuddikotta.
Tugon naman ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Chief Operating Officer Ramon Suzara, hindi raw magagawa ng bansa ang pag-organisa sa regional event kung wala ang tulong ng mga technical delegates.
“I need guidance from them to run the SEA Games. It is just fitting to give them importance,” ani Suzara.
Nagtipon-tipon ngayon ang mga technical delegates para sa 2nd Technical Delegates Meeting na isinagawa sa Maynila.