CENTRAL MINDANAO-Pinalalakas pa ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MBHTE-BARMM) ang pagsusulong sa technical education sa rehiyon.
Kaugnay nito, lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang MBHTE-BARMM kasama ang Plan International, Inc. Philippines para sa donasyon na isang yunit ng mobile training facility (140-footer wing van) na magsisilbing mobile training laboratory upang marating ang mga nangangailangang komunidad, kabataan, at persons with disabilities sa rehiyon.
Sa parehong araw, lumagda din ng MOA ang MBHTE-BARMM at ang Local Government Unit ng Datu Abdullah Sangki (LGU-DAS) sa Maguindanao para sa donasyon ng LGU-DAS ng isang ektaryang lote para sa konstruksyon ng Maguindanao Provincial Training Center na matatagpuan sa Barangay Talisawa sa nasabing bayan.
Ang paglagda sa nasabing mga kasunduan ay naglalayong isulong ang Technical-Vocational Education and Training (TVET) sa mga pamayanan sa rehiyon.
Ayon kay MBHTE Minister Mohagher Iqbal, ang MBHTE ay mayroon lamang tatlong TESDA training institutions sa rehiyon. Isang regional training center sa Barangay Rebuken sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao at dalawang provincial training centers na matatagpuan sa Basilan at Lanao del Sur.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Iqbal sa LGU-DAS sa pangunguna ni Mayor Datu Pax Ali Mangudadatu para sa nasabing tulong na hindi lang aniya mapakikinabangan ng mga nasasakupan ng DAS kundi pati na rin ng buong probinsya ng Maguindanao.