Tiwala ang hanay ng oposisyon na makakahabol pa sa senatorial race ang dalawa sa kanilang manok na nagigit-gitan sa ilalim ng top 12.
Sa isang press conference sinabi ni Liberal Party president at Otso Diretso campaign manager Sen. Kiko Pangilinan na hindi nila isusuko ang posibilidad na makalusot pa sina re-electionist Bam Aquino at dating Sen. Mar Roxas.
Batay sa latest partial and unofficial count ng Comelec halos dominado ng mga inendorsong kanidato ng administrasyon ang top 12. Nasa 13th place naman si Aquino habang nasa ika-16 na pwesto si Roxas.
Kaugnay nito, pinagpapaliwanag ng LP ang Comelec hinggil sa nangyaring technical glitch na nagdulot ng delay sa paglalabas ng mga nai-transmit na resulta ng botohan.
“Halimbawa yung pitong oras na hindi lumabas ang resulta sa transparency server, never naman nangyari ito. Pagkatapos pagdating ng madaling araw, 90 plus percent na, wala na lahat yung Otso Diretso. That by itself needs an explanation. How did that happen?” ani Pangilinan.
Nauna ng nag-concede ang ilang miyembro ng Otso Diretso na sina dating Solicitor General Pilo Hilbay, Atty. Romulo Macalintal, Atty. Chel Diokno at Cong. Gary Alejano.
Nagpaabot na rin ng pagbati sa mga lumamang sina Erin Tañada at Samira Gutoc na nag-iwan ng payo sa mga uupong bagong senador.
“Alam namin na pumasok kami dito sa laban na ito na walang kasiguraduhan na manalo. Alam namin na kami ay babangga sa isang malaking pader,” ani Tañada.
“The battle of Mar and the battle of Bam is our battle. Hindi dito natatapos ang laban,” ayon naman kay Gutoc.
Bukod sa opposition candidates, nag-concede na rin si Jiggy Manicad ng Hugpong ng Pagbabago.
Pero sa kabila nito, hinimok ni LP chair at Vice Pres. Leni Robredo ang publiko na maging vigilante hangga’t hindi pa tapos ang bilangan ng mga boto.
“May laban pa tayong hinaharap. Hindi pa tapos ang bilangan, at kailangan pang bantayan,” ani Robredo.