-- Advertisements --

VIGAN CITY – Isinasapinal na umano ng Commission on Elections (COMELEC) ang technical report hinggil sa nangyaring pitong oras na delay sa pagdisplay ng election results mula sa mga polling precincts hanggang sa transparency server noong May 13 midterm elections.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni COMELEC spokesman James Jimenez na tinatrabaho na nila ang mga kailangang requirement at ang prosesong kailangang sundin para sa pagpapalabas ng nasabing report.

Ayon kay Jimenez, si COMELEC Commissioner Marlon Casquejo ang nagsabi na isasapubliko ang report upang maipaliwanag kung ano ang nangyari at matugunan ang iba’t ibang isyu sa ginanap na halalan.

Inaasahan ng opisyal na kung hindi ngayong linggo, sa susunod na linggo raw nila ipapalabas ang report depende kung matapos nila ang mga kailangan nilang tapusin.

Samantala, ipinaliwanag nito na hindi nila agad naipaliwanag kung ano ang nangyari noong gabi ng Lunes dahil kinailangan din nilang alamin kung bakit naantala ng pitong oras ang pagpapasa ng mga election results sa kanilang transparency server.