Inaprubahan na ng technical working group (TWG) ang Metro Manila traffic code na gagamitin para sa single ticketing system, ayon sa pahayag ni Metro Manila Council (MMC) chairperson San Juan City Mayor Francis Zamora.
Ayon kay Zamora, ang huling pagpupulong ng technical working group kaugnay ng single ticketing system ay isinagawa sa San Juan City noong Huwebes.
Aniya, magtatakda din si San Juan City Mayor Zamora ng pagpupulong upang pag-usapan na ang pinal na porma ng Metro Manila traffic code na prinisenta na rin at inaprubahan ng mga representatives.
Dagdag dito, natukoy na ang 20 karaniwang paglabag sa trapiko na may kaukulang multa.
Sa San Juan, mas mababa aniya ang multa sa hindi pagsunod sa mga traffic sign sa pagpapatupad ng single ticketing system na kung saan, mula P2,000 hanggang P4,000, ang multa ay magiging P1,000 lamang.
Sasagutin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga gastusin para sa mga kagamitang kailangan para sa bagong sistema.
Iginiit ni Zamora na target nilang maipatupad ang single ticketing system sa pagtatapos ng unang quarter ngayong taon.