BACOLOD CITY – Aminadong mas kinabahan ang world artistic gymnastics champion na si Carlos ”Caloy” Yulo nang mag-perform sa harap ng mga kababayan sa Pilipinas bago pa nakuha ang gold medal sa all around event sa nagpapatuloy na 2019 South East Asian (SEA) Games.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Bettina Pou, secretary general ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP), hindi aniya maiwasan na mas ma-pressure si Caloy sa laban dito sa Pilipinas kaysa sa pagsabak niya sa ibang bansa.
Ito’y sa kabila ng pagiging qualified sa 2020 Tokyo Olympics bilang pinakaunang Pinoy na nakapagbulsa ng gintong medalya sa World Championship sa Germany noong Oktubre at mga natatanggap na all out support mula sa mga kababaya
”Mas nahihirapan actually siya mag-compete dito although sabi nila sa amin na ‘yong crowd cheering ay nakaka-boost ng confidence at moral nila. Abroad, hindi siya masyado ay hindi siya masyadong kinakabahan dahil alam niyang nag-iisa siya, walang siyang kilala so medyo nakakapag concentrate talaga siya sa ginagawa niya. Kaya lang dito alam niya that the whe whole country is looking out for him and watching him and he wants to parang work double to show them na magagawa niya yong skills niya at tiyaka yong results niya,” paliwanag ng GAP sec-gen.
Dagdag pa ni Pou, sa 12 taon na training ni Caloy sa kanila ay nakitaan nila ito ng labis na determinasyon kahit pa maraming pinagdaanang hirap mula noong nag-umpisa sa artistic gymnastics sa edad na pito.
Inaasahan ng Gymnastics Association of the Philippines na mawawalis ng ngayo’y 19-anyos na gymnastics sensation ang anim na gold medals sa aparatus finals dahil ayaw nitong ma-disappoint ang mga kababayan at sobrang pinaghandaan ang performances para ipakita sa buong Pilipinas kung gaano siya ka-proud bilang isang Pilipino.