BAGUIO CITY – Natutuwa ang Filipino pride at dating Ireland’s Got Talent 2018 semi-finalist na si Shaniah Rollo sa kanyang patuloy na tagumpay at ang kanyang natatanggap na pagkilala maging sa international scene.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 16-year-old Dublin-based singer, ikinuwento nito na matapos ang kanyang semi-finalist finish sa IGT ay sunod-sunod na ang blessings na natatanggap nito.
Sa katunayan ay inilabas na nito ang kanyang debut single na “Too Young”, at patuloy rin ang paggawa nito ng bagong musika.
“Nag-learn din po ako mag-make ng music as well, kasi po na-inspire po ako doon po sa pag-record po ng first single ko na ‘Too Young’.”
Malaki rin naman umano ang kanyang pagpapasalamat sa kanyang experience sa naturang kompetisyon dahil nalabanan niya ang kanyang stage fright at pagiging mahiyain.
“Nung bata pa po ako, hindi pa po ako masyadong confident para maging singer, kasi po talagang kinakabahan po ako. Ever since po [sumali ako] sa Ireland’s Got Talent, doon na po ako naging passionate sa singing talaga. Dati po, kumakanta lang ako sa bahay, sa school. I really have to bring my mom beside me, kasi talagang ninenerbyos po ako. Pero worth it po talaga na I joined Ireland’s Got Talent.”
Suportado naman umano ng kanyang mga magulang ang kanyang singing career.
“Sinusuportahan po nila ako. Yung dad ko, number one po talaga yan.”
Ibinahagi rin ng rising teen sensation na isa sa kanyang mga hinahangaang Filipino artists ay si Megastar Sharon Cuneta.
“I have a lot of favorite Filipino songs po. I like Sharon Cuneta. I’m a big fan of her. She’s so elegant. She’s a really good role model to people. My mom keeps watching her movies, and sabay po kaming umiiyak.”
Kamakailan pa nga ay napabilang ito at ang kanyang musician ding ama na si Narciso Rollo sa Top 2 ng Realta Agus Gaolta, isang family talent contest sa isang Irish channel.
Samantala, inamin rin nito na nais niya pa ring bumalik ng Pilipinas para dito ituloy ang kanyang music career.
“Sa Philippines po. Gusto ko po [na sa Philippines ituloy ang music career ko], pero hindi ko po alam kung uuwi pa ako sa Philippines. We’re not really sure.”
Ipinanganak si Shaniah sa Sta. Cruz, Laguna, at lumipat ito kasama ang kanyang mga magulang sa Ireland taong 2015.