CAUAYAN CITY- Tumaas ang bilang ng naitalang teenage pregnancy sa Cauayan City
Sa naging panayam ng bombo Radyo Cauayan kay City Population Officer Rouchel Pareja, sinabi niya na umabot na sa 73 ang naitalang teenage pregnancy simula noong buwan ng Enero hanggang Mayo, 2020
Kumpara anya sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon na umabot sa 49.
Ikinukonsidera rin ang malaking idinulot na epekto ng pagkakaroon ng community quarantine sa pagdami ng naturang kaso dahil sa palagiang magkasama ng mga mag-partner o mag asawa sa kanilang bahay.
Malaki rin anya ang impluwensiya ng social media sa maaagang pakikipagrelasyon ng mga kabataan.
Ang ilan namang dahilan ay dahil sa nararanasang problema sa pamilya na nagsasanhi ng kanilang pagreredelde at Kakulangan ng patnubay ng mga magulang.
Hindi rin anya sila nabibigyan ng spiritual guidance ng kanilang mga magulang kaya tinatahak nila ang palikong landas
Naniniwala din ang Cauayan City Population Office na mayroon ding impluwensiya sa pag-uugali ng isang kabataan ang kanilang komunidad.
Batay anya sa ginawa nilang pag-aaral isang barangay dito sa Cauayan City ang nakitaan nila na halos lahat ng mga kabataan o menor de edad na magkakapitbahay ay buntis.
Dahil dito tuloy tuloy pa rin anya ang ginagawa nilang pagpapaalala at lecture sa pamamagitan ng social media upang mapababa ang bilang ng teenage pregnancy dito sa Cauayan City.