-- Advertisements --

Nanawagan ang sikat na telecommunications company sa gobyerno na lumikha ng validated database para sa pag-verify ng pagkakakilanlan ng isang tao, imbes na imungkahi ang pagdalo ng personal para sa SIM (Subscriber Identity Module) registration.

Ito ay kasunod nang imungkahi ng National Telecommunications Commission (NTC) na gawing mandatoryo ang personal apperance ng mga magpaparehistro ng SIM card upang labanan ang mga text scam.

Nabatid na ang mga SIM card na nakarehistro sa mga end-user ay ibinibenta online, na nagiging sanhi ng mga kriminal na aktibidad.

Ayon sa Philippine Chamber of Telecommunications Operators (PCTO), magdudulot ng matinding pagka-antala sa proseso ang paglilipat mula online registration patungo sa face-to-face.

Sinabi ni PCTO Vice President Roy Ibay na ang mga telecom companies ay magkakaroon ng malaking hamon sa pagtatayo ng mga pasilidad para dito. Ayon sa SIM Registration Act, ang pagrehistro ay dapat gawin lamang sa pamamagitan ng isang online platform na ibinibigay ng mga service provider.

Ipinunto ni Ibay na maaari lamang isagawa ang personal na registration kung may technical problem o kapag may i-nisyu na ID sa isang tao. Binanggit din ng PCTO na kinakailangan ng isang database upang mapadali ang pag-verify ng mga government-issued IDs.

Iminungkahi pa ni Ibay na gamitin na lamang ang National ID bilang pangunahing ID sa SIM registration, dahil mayroon na itong available na database para sa mas mabilis na pag-verify.

Batay sa NTC, noong nakaraang taon ay nakapag-block na ang mga telco ng mahigit tatlong bilyong scam messages at na-deactivate ang higit tatlong milyong SIM cards bilang bahagi ng kanilang laban sa mga scammers.