TUGUEGARAO CITY- Nag-shutdown ang mga Telcos sa Itbayat, Batanes dahil sa kawalan ng power back-up matapos mawalan ng kuryente dahil sa naranasang magkasunod na lindol kung kaya’t pahirapan ang pagkontak sa lugar.
Ayon kay Engr. Ramon Narte, consultant for emergency communication ng Office of Civil Defense,ang tanging inaasahan na lamang ngayon ay ang dalang generator set ng C130 plane na kararating lamang sa lugar.
Aniya, ito ang gagamitin para bigyan ng power supply ang back up battery ng mga telcos para muling maibalik ang linya ng komunikasyon.
Sa ngayon, hindi pa mabatid ni Narte kung hanggang kailan maayos ang naging problema sa linya ng komunikasyon dahil tanging ang Smart at Globe lamang ang maaring makapag-ayos nito.
Samantala, sinabi ni Narte na tinututukan na rin ng kanilang hanay ang dalawang bangka na lumayag ng madaling araw bago nangyari ang paglindol dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa dumadaong.