-- Advertisements --

Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang telecommunication giants na PLDT-Smart at Globe Telecom na bawasan ang singil sa pagtawag at text messages ngayong isinailalim sa enhance community quarantine ang Luzon dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi ni Rodriguez na ang bawas sa singil na ito ay dapat applicable din sa data at broadband internet use na dapat pamarisan din ng iba pang Internet service providers.

Iginiit ni Rodriguez na dahil sa quarantine, obligado ang taumbayan na magtrabaho at manatili sa loob ng bahay at para makapag-communicate pa rin sa aniya’y “outside world” mas madalas na ang paggamit ng publiko ng kanikanilang cellphone at iba’t ibang online platforms.

“That is really the social distancing means of communication now, with the movement of people being restricted to prevent this deadly coronavirus disease from spreading,” wika ng kongresista.

Dahil dito mas madalas na ngayon ang pagtawag, text at paggamit ng internet ng publiko bunsod ng enhanced community quarantine, marapat lamang ayon kay Rodriguez na bawasan ang singil sa mga ito sa loob ng 30 araw.

Ang hakbang na ito ay dapt bahagi aniya ng “extra corporate social responsibilities” ng mga telecommunication agencies sa gitna ng kinakaharap na krisis.

Sa kabila nito ay hindi naman nakikita ng kongresista na maapektuhan ang kita ng mga telecommunication companies dahil kaya naman aniya itong ma-offset nang dami ng mga tumatawag, nagte-text at gumagamit ng internet habang umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon.