Hirap na ngayon ang mga otoridad sa Australia na makontrol pa ang mga sunog na dulot ng heatwave na naging sanhi rin ng pagpalo ng lampas 40 degrees Celsius ng temperatura sa lahat ng estado sa nasabing bansa.
Ayon sa mga otoridad, naitala ang pinakamapanganib na sunog sa estado ng Victoria.
Hinimok din ng mga kinauukulan ang nasa 30,000 residente at mga turista na lumikas na sa East Gippsland na isang popular na holiday region, ngunit aminadong peligroso ang paglikas dahil gumapang na rin ang mga apoy sa pangunahing mga kalsada.
Habang sa New South Wales, patay naman ang isang volunteer firefighter at may dalawang iba pa na sugatan habang inaapula ang sunog.
Ito na ang ikatlong beses na may namatay na volunteer firefighter mula noong Disyembre 19.
Sa kabuuan, 10 katao na ang binawian ng buhay dahil sa bushfire crisis ng bansa na nagsimula noong Setyembre.
Paliwanag ng mga meteorologists, ang climate system sa Indian Ocean na kung tawagin ay dipole ang siyang pangunahing rason sa napakatinding init na nararanasan sa Australia. (BBC)